BULACAN – Dalawang sibilyan ang kumpirmadong nasawi habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang masunog ang bodega ng paputok sa Sitio Balubaran, Barangay Duhat sa bayan ng Bocaue, Bulacan noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na sina Pedrito Turcino at Ogie Asero, habang nagtamo naman ng 3rd degree burn si Edwin Torcino na ngayon ay nasa Jose Reyes Memorial Hospital sa Maynila.
Sa ulat ni P/Supt. Ronald De Jesus, hepe ng pulisya sa Bocaue, ang mga biktima ay pawang nagtatrabaho sa pabrika ng E & B Fireworks na pag-aari ni Edwin Corpuz ng Barangay Batia sa bayan ng Bocaue.
Sinabi ni Bulacan Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Allen Bantolo, naganap ang pagkasunog ng bodega ng nasabing pabrika ng paputok dakong alas-10:30 ng gabi habang ang nasabing mga trabahador ay mahimbing na natutulog.
Base sa police report, lumilitaw na natutulog ang mga biktima nang mag-short circuit at kumislap ang isa sa linya ng kuryente sanhi ng epekto ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng paputok kaya biglang sumabog saka kumalat ang apoy sa paligid ng bodega kung saan nakulong ang mga biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. (Dino Balabo)