Benta ng paputok sa Bulacan bumaba
MALOLOS CITY — Halos naibalik lang ang puhunan ng mga manggagawa ng paputok sa Bulacan sa nagdaang taon kahit nagkaubusan ng produkto bago matapos ang 2008.
Ayon sa mga opisyal ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc. na nakabase sa Bulacan, tinatayang umabot lamang sa 10 porsyentong ang itinaas ng kanilang benta sa nagdaang taon.
“Mababa ang production nitong 2008 kaya sold out ang produkto sa Bocaue sa kabila ng kampanya ng Department of Health,” ani Celso Cruz, tagapangulo ng PPMDAI.
Iginiit niya na ang mababang produksyon ay nagresulta sa mababang benta.
Gayundin, ayon kay Vimmie Erese, ang presidente ng PPMDAI na nagsabi rin na ang mga retailer sa labas ng Bulacan ay hindi nakaubos ng paninda.
“Kawawa yung sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa kasi halos 50 percent ang natira sa kanilang paninda,” ani Erese.
Ayon kay Erese, bukod sa mababang produksyon nitong 2008 ay nakaapekto rin ang pagbuhos ng ulan sa mga huling araw ng 2008 sa kanilang benta.
“Umulan kasi bago at pagdating ng Bagong Taon,” dagdag niya.
Hinggil sa mababang produksyon, sinabi niya na iyon ay bunsod na rin ng mataas na presyo ng pulburang gamit sa paggawa ng paputok.
Inihalimbawa niya na, noong Enero 2008, ang presyo ng isang bag ng potassium nitrate na may timbang na 50 kilo ay umaabot lamang ng P1,250 ngunit pagdating ng Hunyo, tumaas ang halaga nito sa mahigit P5,000 bawat bag. (Dino Balabo)
- Latest
- Trending