Pito katao mula sa dalawang pamilya ang isinugod sa pagamutan makaraang malason sa inalmusal ng mga itong pansit bihon kahapon ng umaga sa General Santos City, South Cotabato.
Kinilala ang mga biktima na sina Rommel, 29-anyos; mga anak nitong sina Veronica, 3; Randy, 7; Raul; pawang ng pamilya Ansay.
Sa kapitbahay ng mga ito sa pamilya Senon ang mga biktima ay kinabibilangan nina Teresita, 20-anyos; mga anak nitong sina Maribel, 7-anyos at Maricel, 4 taong gulang.
Ang mga ito ay patuloy na inoobserbahan sa General Santos City District Hospital.
Batay sa ulat, inalmusal ng pamilya Senon at Ansay ang pansit bihon dakong alas-7 ng umaga sa Sitio Biagan, Barangay San Jose sa naturang lunsod.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na ang nasabing pansit bihon ay natira pang handa sa pagsalubong sa Bagong Taon ng naturang mga pamilya.
Kahapon ng umaga ay ininit umano sa kawali ang pansit bihon at muling inalmusal ng pamilya ng mga biktima sa kabila ng ilang araw na itong nakaimbak.
Nabatid na panis na ang kinaing pansit ng mga biktima na siyang nakalason sa mga ito kung saan nakaramdam ang mga ito ng pananakit ng tiyan saka ulo, pagsusuka, pagkahilo at matinding pagdudumi matapos na almusalin ang sira ng pagkain. (Joy Cantos)