Rizal — Patay ang isang 23-anyos na lalaki habang nasa malubhang kalagayan naman ang pinsan nito makaraang pagbabarilin sila ng mga kalalakihang kanilang nakagitgitan sakay ng kanilang mga traysikel kamakalawa ng gabi sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal.
Kinilala ang nasawing biktima na si Joly Berdin, may asawa habang patuloy namang inoobserbahan sa Pasig City General Hospital ang pinsan nitong si Jove Berdin, 23, pawang mga residente ng Sampaguita St., Sitio Lupang Arienda, Barangay Sta. Ana.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang limang hindi pa kilalang mga suspek na siyang responsable sa pamamaril sa mga biktima.
Tinatahak ng pamilya Berdin lulan ng kanilang traysikel ang kahabaan ng Lupang Arienda upang mamasyal sana.
Nabatid na nakasabay nila ang traysikel na sinasakyan ng mga suspek at nagkaroon ng gitgitan sa kalsada.
Makalipas ang ilang minuto ay bigla na lang hinarang ng mga suspek ang traysikel na sinasakyan ng mga biktima sabay tutok ng baril sa drayber na si Jove.
Pinagsasampal muna ito sa harapan ng mga kaanak bago ito pinagbabaril. Hindi naman nakatiis si Joly sabay sugod sa mga suspek subalit pinagbabaril lang din ito bago mabilis na nagsitakas sakay ng kanilang traysikel ang mga salarin.