Luksang Bagong Taon ang sumalubong sa pamilya ng isang 19-anyos na college student makaraan itong mamatay dahil nahulog mula sa bubungan ng gusali sa Iloilo City kamakalawa ng hapon.
Idineklarang patay sa Iloilo Saint Paul’s Hospital ang biktima na kinilalang si Dante Linasero Jr. ng Valeria Street, at 3rd year college student sa John B. Lacson Colleges Foundation.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-4 ng hapon habang naglalaro ang biktima kasama ang kaniyang dalawang kapatid sa bubungan ng inuukupahan nilang gusali nang mangyari ang insidente.
Napag-alamang naliligo pa sa bubungan ng gusali ang magkakapatid nang bigla na lamang tangayin ng hangin ang T-shirt ng biktima na nakasampay sa bubungan.
Bunga nito, tinangka ng biktima na kunin ang kaniyang damit gayon pa man sa kaniyang pagtakbo ay ‘di nito namalayan na plastic na yero na pala ang kaniyang natuntungan.
Tuluy-tuloy na bumulusok ang biktima na bumagsak at nabagok pa ang ulo sa semento na siya nitong ikinamatay. (Joy Cantos)