GenSan blast: 26 sugatan

Nauwi sa trahedya ang Paskuhan sa GenSan 2008 matapos na yanigin ng ma­lakas na pagsabog ang Oval Plaza ng General San­­tos Ci­ty sa South Cota­bato ha­bang ginaganap ang sele­brasyon na ikina­sugat ng 26-katao kabilang ang dala­wang pulis kama­kalawa ng gabi.

Sa pinagsamang ulat ng military at pulisya, ang mga biktima ay naisugod sa St. Elizabeth Hospital, General Santos City Hospital at sa Diagan Clinic sa nabanggit na lungsod.

Sa pahayag ni P/Chief Supt. Nicanor Bartolome, tagapagsalita ng PNP, ka­bilang sa mga nasuga­tan ay 24 sibilyan at dala­wang pulis na sina PO1 Janver Pa­les at PO1 Ro­melyn Lu­miquit na nagbi­bigay segu­ridad sa nasa­bing lugar.

Kabilang sa mga nasu­gatan ay ang sibilyang si Michelle Borromeo, na nag­tamo ng sugat sa ulo at kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.

Ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Romeo Braw­ner Jr.,  naitala ang pagsa­bog dakong alas-9:10 ng gabi habang nagkakasaya­han ang mga residente may ilang oras bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Ang insidente ay na­ganap sa gitna na rin ng heightened alert status na ipinatutupad ng PNP at AFP sa rehiyon kaugnay ng posibleng pag-atake ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Itinuturing isa sa pangu­nahing puntirya ng terorista na maghasik ng lagim ay ang General Santos City na lupang tinubuan ni boxing champion Manny “Pac­man” Pacquiao.

Magugunita na nitong Disyembre 30 ay isa ring pagsabog ang naganap sa police outpost sa Barangay Lagao ng nabanggit na lungsod  na ikinasugat ni PO1 Jake Coronica, asawa nitong si Liezel at isang waitress. Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbesti­gasyon ng mga awtoridad. (Joy Cantos)

Show comments