GenSan blast: 26 sugatan
Nauwi sa trahedya ang Paskuhan sa GenSan 2008 matapos na yanigin ng malakas na pagsabog ang Oval Plaza ng General Santos City sa South Cotabato habang ginaganap ang selebrasyon na ikinasugat ng 26-katao kabilang ang dalawang pulis kamakalawa ng gabi.
Sa pinagsamang ulat ng military at pulisya, ang mga biktima ay naisugod sa St. Elizabeth Hospital, General Santos City Hospital at sa Diagan Clinic sa nabanggit na lungsod.
Sa pahayag ni P/Chief Supt. Nicanor Bartolome, tagapagsalita ng PNP, kabilang sa mga nasugatan ay 24 sibilyan at dalawang pulis na sina PO1 Janver Pales at PO1 Romelyn Lumiquit na nagbibigay seguridad sa nasabing lugar.
Kabilang sa mga nasugatan ay ang sibilyang si Michelle Borromeo, na nagtamo ng sugat sa ulo at kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.
Ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Romeo Brawner Jr., naitala ang pagsabog dakong alas-9:10 ng gabi habang nagkakasayahan ang mga residente may ilang oras bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang insidente ay naganap sa gitna na rin ng heightened alert status na ipinatutupad ng PNP at AFP sa rehiyon kaugnay ng posibleng pag-atake ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Itinuturing isa sa pangunahing puntirya ng terorista na maghasik ng lagim ay ang General Santos City na lupang tinubuan ni boxing champion Manny “Pacman” Pacquiao.
Magugunita na nitong Disyembre 30 ay isa ring pagsabog ang naganap sa police outpost sa Barangay Lagao ng nabanggit na lungsod na ikinasugat ni PO1 Jake Coronica, asawa nitong si Liezel at isang waitress. Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending