TAYTAY, Rizal – Napaslang ang isang sports editor ng lokal na tabloid habang nasa malubha namang kalagayan ang kasamahan nito makaraang mamaril ang isang pulis-Taytay kamakalawa ng gabi sa Barangay San Juan ng nabanggit na bayan.
Idineklarang patay sa Pasig City General Hospital si Celedonio Abines, sports editor ng Manila East Newspaper habang sugatan naman si Jose Luces na kapwa residente ng Block 19, Purok 1 sa Sitio Damayan, Brgy. San Juan.
Kasalukuyan namang hindi nabatid ang kinalalagyan ng suspek na si PO2 Joselito Melendrez na nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa Taytay na pinamumunuan ni P/Supt. Manuel Pion.
Sa nakalap na impormasyon ng PSNgayon, naitala ang krimen dakong alas-11:25 ng gabi matapos magtungo si PO2 Melendrez sa kinaroroonan ng mga biktima.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nagpaputok ng M-16 Armalite rifle ang suspek bilang warning shot, subalit tinamaan ang magkatabing sina Abines at Luces.
Sinubukan namang kausapin si P/Senior Supt. Edgardo De Leon, deputy director ng Rizal PNP subalit sinasabing wala sa kanyang opisina habang sinikap namang kapanayamin si P/Supt. Pion upang hingan ng reaksyon subalit walang ibinigay na impormasyon at sinabing may kausap lang.
Tumanggi rin ang mga pulis-Taytay na ipa-interview sa mga mamamahayag ang suspek dahil sa utos ng kanilang mga superior. (Edwin Balasa)