BULACAN – Dalawang bata ang iniulat na nasawi makaraang sumabog ang granada na kanilang nilaro sa loob ng kanilang bahay sa Barangay San Rafael, San Jose del Monte City, Bulacan kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang nasawing magpinsang sina Alfred Cabiles Villareal, 13 at Arjay Cabiles Gelido, 8, kapwa naninirahan sa Block 17 Lot 1 ng nabanggit na barangay. Inimbitahan naman ng pulisya ang ama ni Arjay na si Ruben Gelido na sinasabing may-ari ng granada. Sa ulat na nakarating sa Kampo Crame, naitala ang insidente dakong alas-7:20 ng umaga kung saan pinaglaruan ang nakuhang granadang natanggalan ng safety pin kaya sumabog. (Dino Balabo at Danilo Garcia)
2 katao utas sa bike crash
NUEVA ECIJA – Dalawang sibilyan ang makapagdiriwang ng Bagong Taon sa sementeryo makaraang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa kongretong plant box sa gilid ng provincial road na sakop ng Barangay Poblacion 4, Peñaranda, Nueva Ecija, noong Sabado ng hapon. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Marquez, Nueva Ecija police director, nakilala ang mga biktimang nasawi na sina Dominador de Guzman, 43, ng Barangay Poblacion 4; at Juanito Margarejo, 45, ng Barangay Sto. Tomas. Samantala, sugatan naman ang drayber ng motorsiklo na si Victorio Gredo Cruz, 46. (Christian Ryan Sta. Ana)
‘Tiktik ng AFP/PNP’ itinumba
CAMP SIMEON OLA , Legazpi City – Tinambangan at napaslang ang isang 53-anyos na magsasaka ng mga rebeldeng New People’s Army kamakalawa makaraang mapagbintangang tiktik ng militar at pulisya sa panibagong karahasan sa Sitio Dung-an, Barangay Dalipe sa bayan ng Cawayan, Masbate. Napuruhan ng mga bala ng baril sa ulo at katawan si Benigno Cabatana 53. Base sa police report, papauwi na ang biktima mula sa pakikapag-inuman ng alak sa kaibigan nang harangin at ratratin ng mga armadong kalalakihan. (Ed Casulla)
12 sugatan sa road mishap
Labindalawang sibilyan ang iniulat na nasugatan makaraang mahagip ng pampasaherong bus ang multicab ng mga biktima kamakalawa sa highway ng Bayan ng Bato sa Camarines Sur. Lima sa mga biktima na nasa kritikal na kondisyon ay kinilalang sina Charito Barela, driver ng multicab; Elvie Almasco, limang buwang buntis; Joseph Sanglay, Elamaria Almasco at si Inoah Estadilla. Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nagbaba ng pasahero ang multicab at nagmamaniobra na pabalik sa main road mula sa kasalan sa bayan ng Oas, Albay nang hindi nito mapansin ang paparating na bus kaya naganap ang sakuna. Sumuko naman ang drayber ng bus. (Danilo Garcia)