Lima katao ang nasugatan sa dalawang magkakahiwalay na pagsabog ng granada sa mismong araw ng pagdiriwang ng Pasko sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Supt. Benhur Mongao, director ng Sultan Kudarat Provincial Police Office, naitala ang unang insidente sa Brgy. Katico, President Quiurion, ng lalawigan dakong ala-1:00 ng madaling-araw kamakalawa.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Maximiano Salamanca, 36, Daswin Pacana at Crisanto Torres, 44 anyos.
Nagdaraos ng Christmas party sa bahay ng isang Darius Salamanca nang may maghagis ng granada sa mga ito.
Bandang alas-6:00 naman ng gabi kamakalawa nang sumabog ang isang apple type na granada sa loob ng Salgado Star War and Beef Bachoy Restaurant sa national highway ng Poblacion, Tacurong City.
Ayon kay SPO4 Arnold Dignadice, agad na isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang sina Bobby Gomez, 16, empleyado ng printing shop at Juanita Miguel, 43, ng Brgy. Tinak sa lungsod. (Joy Cantos)