Mga pulis na nasa video footage, iimbestigahan

Isasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga pulis na nasa video footage na nabigong mapigilan ang ginawang pananampal at pagsabunot laban sa lady TV reporter ng isang sus­pek na sangkot sa traffic accident  sa loob mismo ng presinto ng pulisya sa ba­yan ng Jaro sa Iloilo City noong Lunes.

Pinaiimbestigahan na ni P/Chief Sr. Supt. Isagani Cuevas, regional police di­rector, ang insidente kung saan walang ginawang anumang hakbang ang mga pulis para pigilan ang pananakit ng suspek na si Andrea Gorriceta.

Nagtamo ng mga galos at pasa ang lady reporter ng GMA TV6-Iloilo  na si Charlene Belvis, 24, mata­pos na sampalin, sabu­nutan at kaladkarin pa ng suspek na nauna nang na­harap sa paglabag sa tra­piko.

Ang insidente ay nang­yari noong Lunes dakong alas-3:55 ng madaling- araw sa loob ng compound ng Jaro District Police Station.

Nabatid na dumating sa presinto si Belvis kasama ang kaniyang mga crew para kunan ng video ang insidente kaugnay ng kaso ni Gorriceta.

Gayon pa man, nairita ang suspek nang makita na nakatutok sa kaniya ang camera ng nasabing television network at sa sa­sakyan nitong nakabangga kaya sinigawan nito si Belvis at tinawag na buri­kak sabay na sinampal.

Ang nasabing lady reporter ay tumama ang ulo sa semento, nagasgasan sa kamay at katawan sa maraming beses na pag-atake ng naghuramen­tadong si Gorriceta.

Ang insidente ay nasak­sihan mismo ng mga pulis sa loob ng presinto subalit nabigo ang mga itong ma­pigilan ang nagwawala ng suspek.

Ikinatwiran naman ng mga pulis sa presinto na mga tauhan ng Manduriao PNP na umescort sa sus­pek ng mangyari ang insi­dente. (Joy Cantos)

Show comments