Mga pulis na nasa video footage, iimbestigahan
Isasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga pulis na nasa video footage na nabigong mapigilan ang ginawang pananampal at pagsabunot laban sa lady TV reporter ng isang suspek na sangkot sa traffic accident sa loob mismo ng presinto ng pulisya sa bayan ng Jaro sa Iloilo City noong Lunes.
Pinaiimbestigahan na ni P/Chief Sr. Supt. Isagani Cuevas, regional police director, ang insidente kung saan walang ginawang anumang hakbang ang mga pulis para pigilan ang pananakit ng suspek na si Andrea Gorriceta.
Nagtamo ng mga galos at pasa ang lady reporter ng GMA TV6-Iloilo na si Charlene Belvis, 24, matapos na sampalin, sabunutan at kaladkarin pa ng suspek na nauna nang naharap sa paglabag sa trapiko.
Ang insidente ay nangyari noong Lunes dakong alas-3:55 ng madaling- araw sa loob ng compound ng Jaro District Police Station.
Nabatid na dumating sa presinto si Belvis kasama ang kaniyang mga crew para kunan ng video ang insidente kaugnay ng kaso ni Gorriceta.
Gayon pa man, nairita ang suspek nang makita na nakatutok sa kaniya ang camera ng nasabing television network at sa sasakyan nitong nakabangga kaya sinigawan nito si Belvis at tinawag na burikak sabay na sinampal.
Ang nasabing lady reporter ay tumama ang ulo sa semento, nagasgasan sa kamay at katawan sa maraming beses na pag-atake ng naghuramentadong si Gorriceta.
Ang insidente ay nasaksihan mismo ng mga pulis sa loob ng presinto subalit nabigo ang mga itong mapigilan ang nagwawala ng suspek.
Ikinatwiran naman ng mga pulis sa presinto na mga tauhan ng Manduriao PNP na umescort sa suspek ng mangyari ang insidente. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending