Sanggol itinapon sa dagat
BACOLOD CITY – Mistulang sinapian ng masamang espiritu ang isang ina matapos na ihagis sa dagat ang kaniyang anak na isang taong gulang na batang lalaki na nasawi sa pagkalunod habang lulan ang mag-ina ng pampasaherong barko na naglalayag sa karagatan ng Sicogon Island sa bayan ng Carles, Iloilo kahapon ng umaga.
Nailigtas naman ng mga awtoridad si Flordeluna Pabuaya, 27, nang tumalon din ito sa dagat makaraang ihagis ang anak na si Jacob bandang alas-8:45 ng umaga.
Batay sa report, nabatid na naglayag ang barkong pag-aari ng Negros Navigation mula sa Maynila bandang alas-3 ng hapon at pabalik na sa Bacolod City ang mag-ina lulan ng M/V St. Peter nang maganap ang insidente.
Kaagad naman nakarating sa kaalaman ng mga crew ng barko ang insidente kaya mabilis na naisagawa ang rescue operation sa pangunguna ni Capt. Oscar Jadoc subalit hindi na naisalba pa ang buhay ng sanggol.
Tumagal ng 40-minuto bago nakuha ang bangkay ng bata na nasawi sa pagkalunod.
Sinabi ni Coast Guard Commander Harold Jarder, na si Pabuaya ay papauwi na sa Puno Banago sa Bacolod City, kasama ang kanyang biyanang lalaki ay sinasabing hindi lamang makailang ulit na nagtangkang mag-suicide na pinaniniwalaang may kapansanan sa pag-iisip.
Nahaharap ngayon sa kasong parricide si Pabuaya na nakatakda ring isailalim sa mental test upang alamin kung may diprensya nga ito sa pag-iisip. Antonieta Lopez at Joy Cantos
- Latest
- Trending