Reporter sinampal, sinabunutan sa presinto
ILOILO CITY – Rehas na bakal ang binagsakan ng isang babae makaraang manglait, manampal at manabunot ng isang lady re porter ng isang television network sa loob ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Jaro, Iloilo kahapon ng madaling-araw.
Pormal na kinasuhan ng pulisya ang suspek na si Andrea Gorriceta, 27, may-ari ng Honda Sedan (BCS 823) na nakahagip kay Rhea Aquino, sa labas ng MO2 Restaurant.
Batay sa police report, hinarang ng pulisya ang sasakyan ni Gorriceta at dinala sa himpilan ng pulisya para imbestigahan sa kasong hit and run.
Habang iniimbestigahan sa loob ng presinto ay dumating naman ang reporter na si Charlene Belvis ng GMA TV 6-Iloilo na tinangkang kunan ng footage ang nasabing suspek.
Gayon pa man, hindi nagustuhan ng suspek na kunan siya ng footage kung kaya’t tinawag na burikak at sinampal sa kaliwang pisngi ang TV reporter sa harapan ng mga pulis.
Hindi pa nakuntento sa pananampal, sinabunutan pa nito ang TV reporter at nang matumba sa sahig ay pinaghihila kaya nasugatan ito.
Tiniyak naman ng TV reporter na magsasampa ito ng kaukulang kaso laban sa babaeng nanlait, nanampal at nanabunot sa kanya.
Sa panayam sa Aksyon Radyo-Iloilo, inamin ni Gorriceta ang nagawa kay Belvis subalit kakasuhan nam(an niya si Belvis ng harassment. (Ronilo Pamonag at Joy Cantos))
- Latest
- Trending