NUEVA ECIJA – Nagwakas ang masamang modus operandi ng walong miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang makaraang mapatay ng mga operatiba ng pulisya sa umaatikabong shootout sa bisinidad ng Barangay Baculong sa bayan ng Victoria, Tarlac hanggang Nueva Ecija, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Leonilo dela Cruz, director ng Central Luzon PNP, nakasagupa ng pulisya ang grupo ng Igorot /Bonnet gang at Bumatay Group na pinamumunuan ni Genaro Pascual alyas Boy Bumatay.
Napag-alamang nakatanggap ng tip ang mga awtoridad na aatake ang nasabing grupo para holdapin ang mayamang negosyanteng si Hilario “Boy” Legaspi sa bahay nito sa Sitio Rosario ng nabanggit na barangay.
“Based on the information relayed by a confidential informant, the plan will be executed anytime on December 21,” pahayag ni dela Cruz kung saan agad niyang inalerto ang pulisya.
Bandang alas-7:20 ng gabi nitong linggo nang pasukin ng mga ka lalakihang maskarado ang compound ng negosyante subalit nagulat ang mga suspek nang madatnan sa compound ni Legaspi ang nakaposteng mga operatiba ng pulisya kung saan agad na nagkaroon ng palitan ng putok na ikinasawi ng dalawang holdaper, isa rito ay kinilalang si Lucio Guinayen Jr.
Sa hot pursuit operations matapos na maharang ang nagsitakas na mga holdaper kung saan umabot ang habulan sa kahabaan ng Sto. Domingo-Baloc Road sa Barangay Burgos, Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Gayon pa man, sa halip na sumuko ay muling nakipagbarilan ang mga holdaper laban sa mga tauhan ng Tarlac at Nueva Ecija PNP na nagresulta sa pagkasawi ng anim pa sa mga holdaper.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Peter Lomibao, 30, ng San Jose City, Nueva Ecija; Joseph Sabado, 34, ng Solano, Nueva Vizcaya; Judy Ferrer, Alfedo “Janggo” Melano, at ang lider ng grupo na si Genaro Pascual alyas Boy Bumatay habang inaalam pa ang pangalan ng isa pa.
Narekober sa mga napatay na holdaper ay ang 7 baril, dalawang mo torsiklo, na may plakang OJ-2281 at CN 1663; at isang Kia Besta van (XBS-994). (Christian Ryan Sta. Ana at Joy Cantos)