P.365M nalimas sa pawnshop

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City - Umaabot sa P.365 milyong halaga ng ari-ariang nakasanla ang ninakaw makaraang holdapin ang isang pawnshop sa Zone 4 sa bayan ng Bulan, Sorsogon kamakalawa ng hapon. Ayon sa police report, bandang alauna ng hapon nang pasukin ng ‘di-pa kilalang armadong lalaki ang Bas Pawnshop na bina­bantayan ni Maribeth Decano, 29. Walang nagawa sa holda­per si Decano kaya nalimas ang mga alahas, salapi at ibang gamit ng nabanggit na bahay-sanglaan. (Ed Casulla)

Mag-utol sinaksak sa party

PANGASINAN—Pinaniniwalaang matinding paninibugho ang isa sa dahilan kaya sinaksak at napatay ang 27-anyos na lalaki ng kanyang nakaalitan sa ginaganap na pre-wedding dance party sa Barangay Anolid sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan noong Sabado ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si  Johnny “Tisoy” Dulay, samantalang sugatan naman ang kanyang utol na si Marlon Dulay, 21. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Erwin Bianan. Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya, lumilitaw na nakipagtalo si Marlon sa suspek kaya namagitan ang utol na si Johnny subalit inundayan siya ng saksak ng patalim. Isinugod sa Region I Medical Center ang magkapatid subalit idineklarang patay si Johnny, samantalang ginagamot naman si Marlon. (Cesar Ramirez)

Show comments