LUCENA CITY – Nabulabog ang mga sabungero sa idinaraos na derby makaraang magpaputok ng baril ang isang konsehal na anak ng alkalde sa sabungan ng Quezon Cockpit Arena sa Barangay Silangang Mayao sa Lucena City, Quezon kamakalawa ng hapon. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang suspek na si Councilor Ramil Talaga, anak ni Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon habang nasa kainitan ng derby sa nabanggit na sabungan ay walang sabi-sabing nagbunot ng baril si Councilor Talaga at nagpaputok ng makailang beses sa ere.
Dahil sa pangyayari, ay nagpulasan ang mga tao sa sabungan na nagresulta upang itigil ng management ang palaro at ideklarang tabla ang hindi natapos na salpukan ng manok.
Dahil sa inasal ni Councilor Talaga na nasaksihan ng ilang kongresista mula sa ibang probinsya at ilang mayor sa lalawigan ng Quezon na dumayo pa sa naturang sabungan ay marami ang nainis partikular na mga nanalo sa pustahan na hindi nakuha ang pera sanhi ng pagkakatabla ng sabong. (Tony Sandoval)