Nasilat ng mga operatiba ng militar ang ikatlong pag tatangka na bombahin ang Iligan City, Lanao del Norte nitong Biyernes ng hapon, ayon sa ulat kahapon.
Ito’y matapos na yanigin ng dalawang magkasunod na pambobomba ang Unicity Mall at Jerry’s Bargain Center Shoppers Plaza na kumitil ng buhay ng 3 katao habang 47 pa ang nasugatan noong Huwebes.
Ayon kay 1st Lt. Steffanie Cacho, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command, ang bomba ay natagpuan ng mga sibilyan bandang alas-4:45 ng hapon.
Agad namang ipinagbigay alam ng mga concerned citizen sa militar ang kahinahi nalang bagay na nadiskubreng isa palang uri ng improvised explosive device.
Ang bomba, ayon kay Cacho, ay itinanim malapit sa Loi’s Pharmacy sa JBC Shoppers Plaza sa lungsod.
Nabatid pa na ang bomba ay inilagay mismo sa loob ng prutas na papaya na mabuti na lamang at naagapan ng EOD team ng Philippine Army na mabilis na nai-detonate bago pa man ito sumabog at makapinsala.
Si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay bumisita sa mga nasugatang biktima ng pagsabog sa Iligan City noong umaga ng Biyernes bago nadiskubre ang panibagong bomba. (Joy Cantos)