Pasyente tinodas sa ospital
Isang suspek sa pamamaslang ang binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa Kalibo, Aklan kahapon ng madaling-araw.
Sinasabi sa ulat ng pulisya na naganap ang pamamaril bandang alas-3:00 ng madaling-araw na nagbunsod ng pagkataranta ng pasyente, ng kanilang pamilya at ng mga empleyado ng ospital.
Sinasabi sa ulat ng Kalibo Police na pumasok ang salarin sa pribadong silid ng biktimang si Rogelio Fernandez, 47-anyos, ng Barangay Nalook, Kalibo bago ito binaril nang apat na beses.
Nabatid na si Fernandez ay nahaharap sa kasong murder sa Kalibo Regional Trial Court. Naganap ang kaso noong Enero 2007.
Lumitaw sa imbestigasyon na pumasok sa naturang silid ang salarin nang magtungo sa isang banyo ang bantay ni Fernandez na si Jail Officer Robert Inaudito bago binaril ang biktima.
Nagawa umano ng salarin na makatakas dahil sa kalituhan at pagkataranta ng ibang mga taong nasa ospital.
Ayon sa ilang saksi, may taas na 5’9 ang suspek at nakasuot ng itim na t-shirt.
- Latest
- Trending