Umaabot sa 20-kabahayan ang iniulat na nasalanta maka raang lumubog sa tubig baha ang buong Purok Pag-asa, Brgy. Bai Sirapinang, Bagumbayan, Sultan Kudarat kamakalawa ng gabi.
Bandang alas-7 ng gabi nang magsimulang rumagasa ang malakas na agos ng tubig baha saka sinundan ng malakas na ulan.
Sinabi ni Jerry Duno, na bukod sa pagkawasak ng mga bahay, nag-iwan ng malaking pinsala ang naturang pag-ulan sa kanilang palayan at maisan matapos lumubog sa tubig baha.
Hindi rin pinaligtas ng kalamidad ang mga alagang hayop tulad ng manok, baboy, kambing at iba pa.
Agad namang humingi ng tulong ang mga residente sa mga lokal na opisyal at balak na rin magsilikas sakaling bubuhos ulit ang malakas na ulan sa takot na masalanta ng landslide at flashflood.
Sa kasalukuyan, napag-alaman na nagtungo na sa lugar ang Mines and Geoscience Bureau Region 12 upang alamin ang kasalukuyang sitwasyon at makapagbigay na rin ng agarang tulong. Joy Cantos