Karit ni kamatayan ang sumalubong sa dalawang kawal ng Cafgu Active Auxiliary habang isa pa ang nasugatan makaraang sumabog ang inihagis na granada ng mga rebeldeng New People’s Army sa Army detachment sa Paquibato District, Davao City kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga nasawi ay sina Felix Dandoy at Danny Maylan, habang ang sugatan naman si Gomer Dayasag. Ayon sa ulat, nagbabantay ang mga biktima sa Paquibato detachment nang sumalakay ang mga rebeldeng New People’s Army sa pamumuno ni Leonardo Pitao, alyas Kumander Parago ng Pulang Bagani Command. Sa teorya ng pulisya, rumesbak ang mga rebelde matapos mamatayan sa pinakahuling sagupaan sa Tamayong, Baguio District kung saan isang lider ng NPA ang napaslang. Joy Cantos
5 dedo sa bakbakan
Dalawang kawal ng Phil. Army at tatlong rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang iniulat na napatay sa panibagong sagupaan sa liblib na bahagi ng Barangay Bansayan sa bayan ng Piagapo, Lanao del Sur kama kalawa. Batay sa ulat ng regional Army spokesman na si 1st Lt. Estaffani Cacho, naganap ang bakbakan sa pagitan ng Army’s 33rd Infantry Batallion at mga rebeldeng grupo nina Kumander Abdulrahman Macapaar, alyas Kumander Bravo at Aleem Sulayman Pangalian. Si Kumander Bravo ay may patong sa ulong P10 milyon habang P5 milyon naman kay Pangalian kaugnay ng madugong pag-atake sa apat na bayan ng Lanao del Norte noong Agosto. Nagtagal ng dalawang oras ang labanan na nagresulta ng pagkamatay ng dalawang sundalo at tatlong rebelde. Pansamantalang hindi muna ibinunyag ang mga pangalan ng dalawang kawal. Joy Cantos
47 na patay sa lumubog na ferry
Lumobo na sa 47-katao ang nasawi sa paglubog ng M/B Mae Jan noong Linggo ng gabi sa karagatang sakop ng Barangay Linao sa Appari, Cagayan, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat ni P/Senior Insp. Alex delos Santos, umabot na sa 47 bangkay ang narerekober ng search and retrieval team. Habang pito pa ang nawawala. Sinabi pa ni Delos Santos, na nakilala na ang tatlumpong nasawi habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng may 17 pang katao. Magugunitang lumubog ang M/B Maejan sa karagatan noong Linggo ng Dis.14 matapos balyahin ng matinding alon. Patuloy naman ang search and retrieval operation sa pito pang nawawalang biktima. Joy Cantos