Niyanig ng magkasunod na pagsabog ang dalawang shopping mall matapos taniman ng bomba ng mga ‘di-pa kilalang grupo kahapon na ikinasawi ng dalawang sibilyan at 28 iba pa ang nasugatan sa panibagong paghahasik ng terorismo sa Iligan City, Lanao del Norte.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Virgilio Ranes, hepe ng pulisya sa Iligan City, dakong ala-1:55 ng hapon nang unang sumabog ang Unicity Mall sa Aguinaldo Street.
Kasunod nito, 20-minuto pa lamang ang nakalipas ay sumabog naman ang isa pang bomba sa Jerry’s Bargain Center Shoppers Plaza na may 40 metro lamang ang layo sa Unicity Mall.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman ang grupo ng Moro Islamic Liberation Front na pinamumunuan ni Commander Abdulrahman Macapaar alyas Commander Bravo na responsable rin sa madugong pag-atake sa apat na bayan ng Lanao del Norte noong Agosto 18.
Isa sa dalawang baggage boy na nasawi ay si Erwin Suico habang ginagamot naman ang 28 iba pa.
Bunga ng insidente, ayon naman kay Army’s 403rd Brigade Commander Col. Nicanor Dolojan, ay agad silang tumulong sa pulisya sa pagkordon at pagsasagawa ng imbestigasyon.
Napag-alamang inihabilin ng isang lalaki na nagpanggap na kustomer ang bomba na nakalagay sa kahon sa counter ng dalawang magkalapit na shopping mall.
Sa inisyal na pagsusuri, ang sumabog na bomba na kapwa improvised explosive device ay tatak ng mga grupo ng pasaway na mga rebeldeng MILF na sangkot sa paghahasik ng karahasan sa lalawigan. Joy Cantos