Aabot sa apatnapung bagitong pulis para palakasin ang seguridad ang nakatakdang ipakalat ngayong Kapaskuhan sa Boracay Island, na dinarayo ng mga turista sa Western Visayas Region. Sa ulat ni P/Chief Supt. Isagani Cuevas, ang 40 pulis na katatapos lang ng Modified Scout training ay karagdagang puwersa sa mga pulis na nagmamantine ng seguridad sa Boracay Island sa Malay, Aklan.
Ang pagpapalakas ng seguridad sa pamosong beach resort ay sa kadahilanang dumarami ang mga turista sa isla tuwing Kapaskuhan. Inaasahan namang libu-libong turista ang daragsa sa Boracay para magpalipas ng Kapaskuhan. Joy Cantos
30 naisalba sa iligal rekruter
CAVITE – Umaabot sa tatlumpong kababaihan na naging biktima ng iligal rekruter ang nailigtas ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon ng Barangay Molino 2, Bacoor, Cavite kamakalawa ng hapon. Ayon kay P/Supt Bernard Yang ng Presidential Task Force vs Illegal Recruitment, kabilang sa mga biktimang naisalba ay sina Samira Gambah, Halima Kamsa, Kashmira Soleiman, Monera Makalimbol, Parida Madin, Sufia Sungkilan, Cecilia Oro, Salmah Malaco, Miriam Enok, Fatima Kutba, Norhaya Zacaria, Nor-ian Sandangan, Damalasak Pagimag, Fatima Dading, Farods Kadil, Linda Sabidla, Badria Kensa, Hannah Moha, Mercedita Contadan, Paija Satol, Saripa Karim, Bairohana Abubakar na pawang residente ng South Cotabato; Cecille Nieva, at ang pitong ayaw ng ipabanggit ang mga pangalan. Sumasailalim na sa tactical interrogation ang suspek na si Connie Espiritu ng Baclaran, Parañaque City. Pansamantalang nasa Visayan Forum Foundation sa Cubao, Quezon City ang mga biktima. Cristina Timbang
Globe cell site sinunog
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isa na namang Globe Telecom cell site ang iniulat na sinunog ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang grupo ng rebeldeng New People’s Army kamakalawa ng gabi sa Barangay San Isidro, Castilla, Sorsogon. Bandang alas-10 ng gabi nang pasukin at disarmahan ang mga rebelde ang nag-iisang security guard na si Rolly Bermundo saka binuhusan ng gasolina at sinilaban ang malaking generator at ilan gamit ng nasabing lugar. Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga tauhan ng 22nd Infantry Battalion ng Phil. Army na nakabase sa Barangay La Union at nakasagupa ang mga rebelde na tumagal ng 20-minuto bago nasugatan si S/Sgt. Baldesco habang wala naman napaulat na nasawi o nasugatan sa panig ng mga rebelde. Ed Casulla
4 stude nabagsakan ng kisame
MALOLOS CITY, Bulacan - Apat na estudyante ang iniulat na na-ospital makaraang mabagsakan ng kongkretong kisame na natuklap sa loob ng klasrum ng Bulacan State University noong Martes ng hapon. Ligtas naman sa tiyak na kamatayan ang mga biktimang sina Jose Victor Carpio, Rachel De Guzman, Laurice May Ramos at Ma. Triselle Isip na pawang 3rd year college sa kursong Industrial Engineering. Ayon kay Nicanor Dela Rama, dean ng College of Engineering ng BulSU, naganap ang insidente bandang alas-5:30 ng hapon habang hinihintay ng mga estudyante ang kanilang guro. Ayon kay Dr. Joselito Alday, minor injuries ang tinamo ng mga biktima, at ligtas na ang mga estudyante. Sasagutin naman ng pamunuan ng nasabing kolehiyo ang ibang gastusin sa pagpapagamot ng mga biktima. Dino Balabo
P10-M ransom sa Tsinoy trader
Humingi na ng P10 milyong ransom ang mga bandidong Abu Sayyaf Group kapalit ng pagpapalaya sa bihag na negosyanteng Tsinoy sa Jolo, Sulu. Batay sa report na nakarating sa Camp Crame, ang nasabing ransom ay ipinarating ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad ng kanilang mensahero sa pamilya ng biktimang si Peter Go (Xili Wu ). Sa kabila nito, tiniyak naman ni P/Senior Supt. Asirim Kasim, Sulu police director, na hindi nila pagbibigyan ang anumang demand ng mga bandido dahil sa pinaiiral na no ransom policy ng pamahalaan. Inihayag pa ni Kasim na naispatan ng kanilang intelligence operatives, ang pinagtataguan ng mga bandido sa bihag. Gayunman, hindi muna nila ito maaring tukuyin dahil sa posibleng manganib ang kaligtasan ng biktima. Base sa police record, si Go, ay dinukot ng ASG sa bisinidad ng kapitolyo ng Jolo noong Linggo ng Disyembre 14. Joy Cantos