Cargo ship lumubog: 1 patay, 19 nailigtas
Isa na namang barko ang iniulat na lumubog kung saan namatay ang isang chief engineer habang 19 iba pa ang nailigtas sa karagatan malapit sa Caluya Island, Antique may tatlong milya ang layo sa Sibay Island. noong Martes ng hapon.
Batay sa ulat na tinanggap kahapon ng Office of Civil Defense, kinilala ang nasawi na si Alex Tambasin, chief engineer ng M/V Ma. Lourdes.
Kabilang sa mga biktimang nakaligtas ay sina Henry Edaño, ship captain; Jorge Siliacay, Victoriano Flores, Joseph Torralba, Donato Sornito Jr., Ian Keith Atabay, Eric Boco, Urbano Abad Jr. Michael John Tibay, Manuel Belangel, Jerome Sumayan, Eric Briones, Charles Elasco, Philip Louise Robihid, Alden Gomez, Marton Bertes, Ariel Delos Santos, Raul Almella at si Joel Aran.
Base sa ulat, ang M/V Ma. Lourdes na pag-aari ng Candano Shipping Lines ay naka-encounter ng malalaking alon at malakas na hangin sa pagitan ng Sibay at Caluya Islands bago abandonahin ng 20 tripulante.
Ang barko na may lulang 22,000 sako ng semento ay naglayag patungong San Jose, Mindoro mula sa pantalan ng Iligan City, Lanao del Norte noong Sabado nang makasalubong ng malalaking alon.
Kaagad namang inalerto ng Philippine Coast Guard sa pamumuno ni Commander Harold Jarder, ang yunit nila kabilang na ang isang chopper na nakabase sa Iloilo at nailigtas ang 19 tripulante.
Minomonitor na ngayon ng Coast Guard ang posibleng oil spill sa karagatan. Ronilo Pamonag at Joy Cantos
- Latest
- Trending