Nagwakas ang pagnenegosyo ng 5-6 ng isang Bumbay makaraang pagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng magkaibigang lalaki sa bakanteng lote ng Barangay Paghidait sa Bago City, Negros Occidental kamakalawa.
Nagtamo ng may 17-saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Jasvir Singh, 22, ng Lot 9, Block 29, Villa Angela Subdivision sa Brgy. Villamonte, Bacolod City.
Arestado naman ang mga suspek na sina Joniel Valindez, helper ng biktima at ang kaibigan nitong si Jayvee Empasse, 19, pawang naninirahan sa Brgy. Villamonte.
Sa ulat ni P/Supt. Miguel Coronel, hepe ng Bago City PNP, dakong alas-3 ng hapon nang makatanggap ng impormasyon ang himpilan ng pulisya kaugnay sa natagpuang bangkay ng biktima sa liblib na bakanteng lote sa nabanggit na barangay.
Agad namang rumesponde ang pulisya at narekober ang bangkay ng biktima na nakilala sa pamamagitan ng driver’s license nito.
Natagpuan naman sa may 50 metro layo mula sa crime scene ang driver’s license (student permit) ng pangunahing suspek na si Valindez na naiwan sa pagmamadali matapos ang krimen.
Lumilitaw sa imbestigasyon na kinarnap pa ng mga suspek ang kulay itim na motorsiklo ng biktima na may plakang 7707FD.
Sa presinto, inamin ng sus pek na pinaslang niya ang amo sa tulong ng kaibigan dahil sa palagi siyang minumura kapag hindi nakakakolekta sa negosyo nitong 5-6.
Napag-alamang bumalik sa crime scene si Valindez matapos maalala na naiwan niya ang kaniyang pitaka kaya inaresto ng mga nakaposteng sina PO1 Hernane Pongyan at PO2 Angelo Geroche. Joy Cantos