Sulyap Balita
Director ng patubig itinumba
Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang opisyal ng water district sa panibagong karahasang naganap sa Barangay San Mariano sa bayan ng San Antonio, Nueva Ecija kamakalawa ng umaga. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, ang biktimang nagja-jogging nang nilapitan at ratratin ng dalawang ‘di-kilalang lalaking sakay ng motorsiklo ay nakilalang si Alfredo Lopez, director sa San Antonio Water District. (Joy Cantos)
Lider ng holdaper tiklo
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Kalaboso ang binagsakan ng isang notoryus na lider ng mga holdaper makaraang maaresto ng mga awtoridad sa bayan ng Sta. Rosa, Nueva Ecija kamakalawa. Sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Ponciano “Nomer” Germino ng Brgy. San Mariano, Sta. Rosa, Nueva Ecija at lider ng Alakdan Germino Group na sangkot sa serye ng arson, holdapan, nakawan at patayan sa Bulacan at Nueva Ecija. Ang nabanggit na grupo ay binubuo ng 10-katao kabilang na ang tatlong pulis. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Marquez, Nueva Ecija police director, ang grupo ni Germino ay pinaniniwalaang sangkot sa pagpatay sa isang trader na pinagnakawan pa sa Cabanatuan City at isang sikyu sa Brgy. La Funete. (Christian Ryan Sta. Ana)
Pamilya na ‘Gapos Gang’
CAVITE – Tinatayang aabot sa milyong halaga ng ari-arian ang nalimas makaraang looban ang isang pamilya ng pitong armadong kalalakihan na miyembro ng Gapos Gang sa Barangay Bayang Luma 2, sa bayan ng Imus, Cavite kamakalawa ng umaga. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Hermilinda Del Rosario, 43; Vida Briones, 22, kasambahay; at ang anak na si Paul Van Del Rosario, 24, pawang residente ng Vilma Subd. sa nabanggit na barangay. Ayon sa police report, bandang alas-2 ng hapon nang magsagawa ng modus operandi ang nasabing grupo at iginapos ang mga biktima saka tinangay ang anumang mamahaling gamit na umabot sa halagang P1 milyon. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. (Cristina Timbang)
- Latest
- Trending