TUGUEGARAO CITY – Umaabot na sa 28-katao ang iniulat na nasawi habang 22 iba pa ang nawawala makaraang lumubog ang isang wooden ferry habang naglalayag sa karagatang sakop ng Barangay Linao sa Aparri, Cagayan kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na nakarating kahapon sa National Disaster Coordinating Council, 22 pa ang pinaghahanap sa mga pasahero at tripulante na lulan ng M/B Mae Jan habang 46 naman ang nakaligtas matapos na makalangoy sa dalampasigan ng Brgy. Pallog sa bayan ng Ballesteros.
Kabilang sa mga nalunod ay sina Aimee Tan-Arellano, Calayan SB board member Winifredo Agarpao, Angel Suarez, Cristin Cangas, Eva Llopis, Ofelio Fadero-Balmes, Paz Escalante, Azela Tambao, Adena Tan-Arellano, Ralaine Allado, Leonardo Llopis, Marilou Menor at si Bella Llopis.
Karamihan sa mga pasahero ay mamimili ng pagkain at iba pang gamit sa Aparri para sa nalalapit na Kapaskuhan.
Ayon kay P/Senior Insp. Alex delos Santos, hepe ng pulisya sa bayan ng Ballesteros, inaalam naman ang mga pangalan ng iba pa sa mga nasawi sa malagim na insidente.
Napag-alamang si Arellano na kabilang sa mga namatay ay natukoy na siyang may-ari ng lumubog na ferry.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na pumalaot ang M/B Mae Jan na may lulang 96-katao mula sa pantalan ng Calayan Island dakong alas-8 ng umaga noong Linggo na may magandang panahon at nakatakdang dumaong sa pantalan ng Aparri dakong alas-4 ng hapon.
Subalit habang papasok sa bukana ng Cagayan River ay biglang lumakas ang hangin at balyahin ng malalaking alon ang ferry kaya tuluyang lumubog.
Ayon pa sa ulat, nag-panic ang mga pasahero matapos tumagilid ang ferry sa lakas ng alon at hangin kaya sa takot ay naglundagan at nag-uunahan makahawak sa ilang plastic container para lamang lumutang.
Bandang alas-10:30 ng gabi nang makipag-ugnayan si P/Senior Supt. Moro Lazo sa kinauukulan sa Aparri at Ballesteros para makapagpadala ng rescue team sa lumubog na ferry na may 50 metro ang layo sa nabanggit na barangay.
Samantala, inihahanda na ni Vice Adm. Wilfredo Tamayo, hepe ng Coast Guard, ang kaukulang kaso laban sa may-ari at ilang crew kabi lang na ang nakaligtas na ship captain na si Dami Tan ng 28-ton M/B Mae Jan na awtorisado lamang magsakay ng 50-katao base na rin sa inisyung Ship Safety Certificate mula sa Maritime Industry Authority (Marina).