CABANATUAN CITY – Isang tricycle driver na walang ulo ang inireport na natagpuan sa may dike sa Purok 7, Barangay San Isidro noong umaga ng Sabado, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Positibong kinilala ng mga kaanak ang biktima na si Ronnie Cardona, 43, may-asawa ng Barangay Sta. Arcadia, rito.
Nakilala siya dahilan sa tahi ng operasyon nito sa may gawing kanang tagiliran ng tiyan at ang gamit na pamasadang tricycle nito may plate number ES-7415 at body number 0789.
Bukod sa tagpas ang ulo, may apat pang tama ng bala ang kanang bahagi ng katawan nito.
Sa imbestigasyon, nabatid na dakong alas-8:30 ng umaga nang makita ang bangkay ng biktima matapos maghatid umano ito ng pasaherong babae sa may Barangay Bakod Bayan ng lungsod na ito.
Sinabi ng isang ayaw magpakilalang mag-iitik na nakakita umano sa biktima bago ang insidente ay may naghihintay na lalaki sa biktima at sakay nito.
Hindi gaanong nakita ng mag-iitik ang mukha ng lalaki dahil umano sa medyo malayo siya rito. Naiwan sa crime scene ang pera at ang tricycle ng biktima kaya inalis ng pulisya ang posibilidad na ang motibo sa pagpatay ay pagnanakaw.
Hinihinala ng pulisya na may kinalaman sa onsehan sa partihan sa droga ang motibo sa nasabing pamamaslang. Ang biktima, ayon sa pulisya, ay sabit sa pagtutulak at may criminal record sa paglabag sa section 8 of RA 6425 at may mga homicide cases pa umano ito.