May 15 mamahaling sasakyan na kinarnap sa Metro Manila ang nabawi ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group nitong nagdaang linggo sa Cebu.
Ayon kay PNP-HPG Director Perfecto Palad, ang 15 nakaw na behikulo ay narekober ng mga elemento ng HPG-Cebu personnel sa pamumuno ni Sr. Supt. Antonio Gadiola kaugnay ng pinalakas na operasyon laban sa mga notoryus na carnapping gang.
Tinukoy naman ni Palad base sa report ni Gadiola na sina Reynold de la Torre at Alma Gonzales ang nasa likod umano ng pagbebenta ng mga nakaw na sasakyan sa lalawigan. (Joy Cantos)
Sundalo dedo sa ambush
Isang sundalo ang nasawi habang isa ang nasugatan nang tambangan ng mga hinihinalang rebeldeng New People’s Army ang isang tropa ng scout ranger ng Philippine Army sa Ba rangay San Isidro, Bulan, Sorsogon kamakalawa ng hapon. Kinilala ang nasawi si Pfc Michael Cris Lata habang nilalapatan naman ng lunas si Private Gerry Acosta. (Ed Casulla)
Sex abuse sa Region 12 tumaas
Tumaas ang bilang ng mga kaso ng inaabusong mga kababaihan sa Region 12 kumpara noong nakaraang taon.
Sa ulat ni Department of Social Welfare and Development-Region 12 director Rudy Jimenea kay DSWD Secretary Esperanza Cabral, sinasabing mula Enero hangang ikalawang linggo ng Disyembre ng taong ito, may 82 kaso ng mga kababaihan ang naabuso sa South Cotabato gayung noong nakaraang taon ay wala pang 50 ang naitala ng DSWD.
Karamihan anya dito ay physical abuse, 42 ay biktima ng sexual abuse, 74 ang psychological abuse at 36 ang economic abuse
Sa Koronadal na lamang anya, nakapagtala ang DSWD ng 11 kaso ng physical abuse at pito naman ang sexual abuse. (Angie dela Cruz)
Magsasaka nakuryente
PANGASINAN – Isang 57-anyos na binatang magsasakang si Cosme Gloria ang hinihinalang namatay nang makuryente sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Telbang, Bayambang ng lalawigang ito. Natagpuan siyang patay noong Huwebes ng umaga bagaman huli siyang nakitang buhay noong Miyerkules ng hapon. Ayon sa isang duktor, may sunog sa kaliwang braso ng biktima na isang palatandaang nakuryente ito hanggang masawi. Katabi ng bangkay ang isang bentilador na hinihinalang inaayos ng biktima nang makuryente ito. (Cesar Ramirez)