Tatlong pinaghihinalaang miyembro ng isang malaking sindikato ng droga ang napatay samantalang sugatan naman ang tatlong pulis sa pagsalakay ng mga awtoridad sa kuta ng mga suspek sa Barangay Osmeña, Compostela Valley nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Compostela Valley Provincial Police Office Director Sr. Supt. Ronald de la Rosa ang napatay na lider ng grupo na si Emmanuel Quijano alyas Dingla na wanted sa samu’t saring kaso na may kinalaman sa pagbebenta ng iligal na droga.
Ang dalawa pa nitong nasawing tauhan ay pawang inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Nasawi kinalaunan si PO2 Allan Ruiz habang ginagamot sa Tagum Doctors Hospital sa Tagum City, Davao del Norte matapos itong tamaan ng inihagis na granada ng isa sa mga suspek.
Ayon kay dela Rosa nagtungo sa lugar ang pinagsanib na elemento ng Compostela Valley Provincial Police Office at Criminal Investigation and Detection Group para isilbi sana ang warrant of arrest laban sa grupo ni Quijano.
Gayunman, pinagbabaril ng mga suspek ang mga pulis na nauwi sa palitan ng putok ng magkabilang panig.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang dalawang cal. 45 pistol, isang fragmentation hand grenade, ilang transparent plastic sachet na naglalaman ng may 300 gramo ng shabu. (Joy Cantos)