Dahil sa patuloy na paghahasik ng terorismo ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front, nag-armas na rin ang mga kabataan sa ilang lugar sa rehiyon ng Mindanao.
Ito ang ibinulgar kahapon sa radio interview ni Bishop Martin Jumoad, na nakatanggap siya ng impormasyon kay Fr. Pepe Ligason ng Maluso kung saan napipilitan ang mga kabataan may edad 15-anyos ay nag-aarmas para maipagtanggol at maging ligtas sa gitna ng patuloy na bakbakan ng mga sundalo at mga taksil na rebeldeng Moro Islamic Liberation Front.
Isinisi naman ito ni Jumoad sa kabi-kabilang bakbakan sa Mindanao habang nawawala na rin aniya ang tiwala ng mga sibilyan sa mga awtoridad para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Maliban sa Basilan, napaulat din ang pag-aarmas ng mga kabataang sa bahagi naman ng Central Mindanao na sentro ng opensiba laban sa mga wanted na MILF rebs.
Dahil dito, naalarma ang Simbahang Katolika na tuluyan nang mawalan ng moral values ang mga kabataan at maging lantad sa patayan dulot ng karahasan sa rehiyon. Joy Cantos