BATANGAS – Isinasagawa ngayon ng mga awtoridad ang malawakang pagtugis laban sa isang trader na sinasabing bumaril at nakapatay sa isang pulis sa Tanauan City, Batangas kamakalawa ng hapon. Kinilala ni P/Supt. Willy Atun, Tanauan police chief, ang suspek na si Arnel Opena ng Brgy. Talaga, Tanauan City at may-ari ng Caltex Gas Station. Napag-alamang si Opena ay sinasabing nakapatay kay SPO1 Ruel Ramos, 53, ng Brgy. Maugat, habang tinamaan naman sa balakang si PO1 Maryjane Ramirez na 8-buwang buntis kaya nakunan at ginagamot ngayon sa CP Reyes Hospital sa Tanauan. Nag-ugat ang pamamaril matapos magkagitgitan ang dalawang sasakyan sa highway sa Brgy. Talaga. Sakay sina SPO1 Ramos at PO1 Ramirez sa isang Mitsubishi Adventure (WEG-376) at patungo sana sa Tanauan City nang maharang ang sasakyan ni Opena na Land Rover (NDC-363) na may hilang trailer habang papasok ito sa garahe. Ayon pa kay Atun, maaaring binusinahan ni SPO1 Ramos si Opena kaya nagalit nito hanggang sa mauwi sa pamamaril. Matapos ang krimen, tumakas si Opena sakay ng Isuzu Trooper (VCK-978) patungo sa bayan ng Talisay. Arnell Ozaeta
AFP vs MILF: 14 todas
Labintatlong miyembro ng pasaway na grupong Moro Islamic Liberation Front at isang sundalo ang iniulat na napaslang habang walong sundalo ang nasugatan sa panibagong sagupaan sa kagubatang sakop ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao kamakalawa. Sa phone interview, sinabi ni Army’s 6th Infantry Division Spokesman Col. Julieto Ando, naganap ang bakbakan dakong alas-8 ng umaga matapos makatanggap ng ulat ang mga sundalo hinggil sa puwersahang pang-aagaw ng bigas ng mga rebelde sa mga residente. Gumamit ng combat plane ang Philippine Air Force sa direksyon ng mga kalaban kaya marami ang nalagas sa grupo ng mga rebelde. Ayon naman kay Col. Marlou Salazar, commander ng Army’s 601st Infantry Brigade, aabot sa 13 rebelde sa pamumuno ni Kumander Wahid Tundok ang sinasabing nasawi sa sagupaan. Joy Cantos
2 bata kinidnap sa Davao
Nagsasagawa nang malawakang rescue operation ang mga awtoridad para masagip ang dalawang mag-aaral sa elementarya ang iniulat na kinidnap ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan kamakalawa ng tanghali sa Davao City. Sa ulat ni P/Chief Supt. Pedro Tango, provincial police director, na isinumite sa Camp Crame, ang mga biktima ay kapwa grade 1 pupil sa Lacson Elementary School sa Calinan District. Gayon pa man, pansamantalang ‘di-muna tinukoy ng opisyal ang pangalan ng dalawa para ‘di-mabulilyaso ang isinasagawang search and rescue operations. Napag-alamang kalalabas lamang ng dalawa sa paaralan nang tangayin ng mga armadong kalalakihan saka isinakay sa kulay puting van at tumakas sa direksyon ng Calinan Poblacion. Joy Cantos