LUCENA CITY, Quezon – Pumalag ang isang construction firm laban sa mga sinasabing nangongotong sa kanila ng mga tauhan ni Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr.
Sa pahayag ng presidente ng HG3 Construction Co. na si Homer Guinto, sa lokal na pahayagang Taliba ng Lucena, sinasabing inoobliga sila ng mga tauhan ni Mayor Talaga ng P.5 milyon contribution kapalit ng pagpasok ng mga materyales ng HG3 na ginagamit sa kanilang breakwater project sa Dalahican sa Lucena City.
Ayon pa kay Guinto, umaabot na sa P2 milyon ang nakukuha sa kanila ng grupo ng kalalakihan na nagpakilalang mula sa opisina ni Mayor Talaga.
Nabatid din kay Guinto na hinaharang ng nabanggit na grupo ang kanilang mga trak at hindi ito pinapapasok sa nabanggit na lungsod hangga’t hindi nakapagbibigay ng contribution.
Dahil dito, nangangamba ang nasabing kompanya na hindi na matuloy ang phase 2 ng construction ng breakwater dahil sa kinukulang na ng pondo ang HG3.
Pinaniniwalaan naman paninira lamang sa imahe ng nabanggit na alkalde ang nasabing isyu habang itinanggi naman ng opisina ni Mayor Talaga ang akusasyon.