CEBU CITY – Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang isang alagad ng batas makaraang mapaslang nito ang kanyang bayaw na tinawag siyang bakla noong Biyernes sa kahabaan ng N. Bacalso Avenue sa Barangay Sambag 1, Cebu City, Cebu.
Pormal na kinasuhan matapos sumuko sa pulisya ang suspek na si PO1 Jose Dennis Malazarte, 41, ng Cebu Provincial Police Office at residente ng Barangay San Antonio, Cebu City.
Base sa police report, lumilitaw na nakikipag-inuman ng alak ang biktimang si Bienvenido Alforfon, 36, sa kanyang dalawang kaibigan sa isang tindahan nang dumating si PO1 Malazarte at umupo malapit sa mesa ng biktima.
Ilang minuto ang nakalipas ay umalis na ang dalawang kaibi gan ni Alforfon kaya lumapit naman ang suspek para makipagkuwentuhan.
Dahil sa senglot na ang bayaw ay kinom pronta ni PO1 Malazarte tungkol sa iligal na operasyon ng mga dispatcher ng pampasaherong jeepney.
Nagalit naman si Alforfon sa tinuran ng kanyang bayaw kaya tinawag nitong bakla hanggang sa magalit naman ang suspek at binunot nito ng kanyang baril saka pinaputukan ng ilang ulit ang una.
Sumuko naman si PO1 Malazarte kay PO2 Remos Goco ng PNP Mobile Patrol Group. (Danilo Garcia)