Dalawa sa apat na kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng notoryus na kidnap-for-ransom gang ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang iniulat na nasakote ng Task Force Zamboanga sa isinagawang operasyon sa bisinidad ng Brgy. Mariki sa Zamboanga City kamakalawa ng gabi. Sa ulat ng regional Army office na nakarating sa Camp Aguinaldo, nang magkasagupa ang tropa ng task force at ang apat na armadong miyembro ng kidnap-for-ransom group. Dalawa sa mga suspek na sina Hassan Abejarin at Jay Alpad ay nasakote matapos makorner na kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation. Ayon kay 1st Lt Esteffani Cacho, lumilitaw na ang mga suspek ay kararating lamang sa nabanggit na barangay at nagbabalak magsagawa ng modus operandi. Joy Cantos
Kawani ng DAR itinumba
Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang kawani ng lokal na sangay ng Department of Agrarian Reform sa panibagong karahasang naganap sa Davao City kamakalawa. Napuruhan sa mukha ng bala ng baril ang biktima na si Manolito Magnaye, 39, ng # 3 Everlasting St., Panorama Homes, Buhangin, Davao City. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, ipinaparada ng biktima ang pag-aaring kulay berdeng Nissan Frontier (XLM 672) sa Quirino Avenue nang basagin ng ‘di-pa kilalang lalaki suspect ang salamin ng sasakyan. Napilitang bumaba sa kanyang sasakyan ang biktima subalit binaril siya sa mukha na naglagos sa kaniyang ulo. Kaagad na tumakas ng killer lulan ng motorsiklo patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Joy Cantos
Bus vs trak: 3 katao utas
Tatlo-katao ang iniulat na nasawi makaraang magsalpukan ang isang 10-wheeler truck at school bus sa highway ng Brgy. Amacalan sa bayan ng Gerona, Tarlac kamakalawa. Kabilang sa mga nasawi ay sina Benjamin Esguerra, 42, driver ng school bus; Patricia Anne Tiangsing, 15; at si Frances Louise Yanguas, 15, pawang naninirahan sa Brgy. Samput, Tarlac City. Naisugod naman sa Jecson Medical Hospital sina Rio Sharianne Bautista, Francis Vernon Bulosan, Juneath Joy Arciaga, at si Ana Isabel Soriano, na pawang estudyante ng College of the Holy Spirit sa nabanggit na lungsod. Pormal naman kinasuhan habang nakakulong ang drayber ng trak (CDM 310) na si Henry Balat, 48, ng Brgy. Buenlag, Gerona, Tarlac. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, magkasunod na tumatahak sa highway ang trak at school bus (CVL657) nang maganap ang aksidente. May teorya ang pulisya na hindi nagbigayan ang dalawang sasakyan na naggitgitan sa kalsada. Joy Cantos
Sundalo dinedo sa palengke
KIDAPAWAN CITY – Isang sundalo ng Phil. Army ang iniulat na napaslang habang malubha naman ang kabaro nito makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa loob ng palengke sa bayan ng Malabang, Lanao del Sur, noong Biyernes ng umaga. Nasapol sa ulo ng bala si Pfc. Emilio Osorio habang ginagamot naman sa Cotabato Regional and Medical Center ang sugatang si Pfc. Jerwin Damiles na kapwa kawal ng 51st Infantry Battalion ng 1st Division ng Philippine Army. Ayon kay P/Senior Insp. Rendallon Bueno, hepe ng 1505th Police Provincial Mobile Group, namamalengke ang dalawang sundalo sa may Brgy. China Town nang lapitan at pagbabarilin ng tatlong armadong lalaki na sinasabing miyembro ng Agaw-Armas Gang. Natangay ng mga suspek ang dalawang baril ng mga biktima bago tumakas patungo sa looban ng nabanggit na barangay. Malu Manar
4 pulis nalason sa karinderya
Apat na pulis-Cabatuan ang iniulat na naospital makaraang malason sa tinanghaliang nilagang karne sa isang karinderya sa Valeria Street sa Iloilo City, Iloilo kamakalawa. Idineklara nang nasa ligtas na kalagayan matapos na mabigyan ng pangunahing lunas sina PO1 Sara Palomo, 28; PO1 Roselyn Bibit, PO1 Gina Padera at si PO1 Joven Managad. Batay sa police report na isinu mite sa Camp Crame, magkakasamang kumain ang apat sa isang karinderya kung saan matapos ang ilang oras ay nakaranas ng pagsusuka, pagkahilo at pananakit ng tiyan. Pinaniniwalaan namang panis na ang ulam na nakain ng mga biktima na nakalason sa mga ito. Joy Cantos