Bihag ipinasa sa Sayyaf
Ipinasa na ng Moro Islamic Liberation Front sa mga bandidong Abu Sayyaf ang pitong trabahador ng isang gravel and sand na binihag ng MILF kamakailan sa Barangay Lahi-Lahi, Tuburan, Basilan, ayon sa ulat kahapon. Ang mga bihag ay nasa balwarte na ngayon ng Abu Sayyaf na pinamumunuan nina Commanders Abdulharri Majuri at Pulah Montong. Ang mga bihag na nakilalang sina Mau Ponce, Alfred Layam, Wagi Toldeo, Tomas De Leon, Albert Manulis, Adraky Kaseris, at isang alyas Jobert ay guwardiyado ngayon ng mga armadong tauhan nina Majuri at Montong. (Joy Cantos)
Nene nalunod sa baha
Isang limang-taong gulang na batang babae ang nasawi makaraang malunod nang tangayin ng tubig-baha sa isang sapa sa Kidapawan City, North Cotabato kamakalawa ng gabi. Kinilala ang biktima na si Maribel Digerio, residente ng Barangay Santo Niño ng lungsod na ito. Naganap ang insidente habang tumatawid ang biktima sa isang sapa sa Barangay Linangkob sa lungsod na ito dakong alas-6:00 ng gabi. (Malu Cadelina Manar)
Eatery owner pinagbabaril
SAN CARLOS CITY, Pangasinan – Isang eatery owner ang walang-awang pinagbabaril habang nagluluto sa kanyang kantina ng dalawang armadong kalalakihan kamakalawa ng umaga sa panulukan ng Roxas at Lucban Streets dito. Kinilala ang biktima na si Sammy Mendoza, 43 anyos at residente ng barangay Cacaritan sa lungsod na ito. Abala ang biktima at asawa nito at isang katulong sa pagluluto nang biglang pumasok ang ‘di-pa nakikilalang mga suspek at binaril ang biktima nang dalawang beses. (Cesar Ramirez)