Dalawang pambobomba sa magkahiwalay na lugar sa Sultan Kudarat ang isinagawa ng hinihinalang mga teroristang grupo bilang ganti sa pagkakadakip ng mga awtoridad kamakailan sa isang bomb-maker na Bangladeshi national na pinaniniwalaang konektado sa Jemaah Islamiyah.
Wala namang nasawi bagaman anim na katao ang nasugatan sa dalawang magkakahiwalay na pagsabog ng bomba na yumanig sa bayan ng Isulan sa Sultan Kudarat Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Eastern Mindanao Command Major Randolph Cabangbang ang mga biktima na sina Rowena Durana, 38; Diego Sitti Honorato, 46; Ramil Noblieza, 25; Ailen Ancatan, 33, isang vendor na nagtamo ng sugat sa dibdib at paa; Rey Tacuyan, 21; Jean Uloy, 21 anyos.
Ayon kay Cabangbang, naitala ang unang pagsabog dakong alas-8:20 ng gabi sa tabi ng Mercury drugstore sa kahabaan ng national highway sa Poblacion, Isulan.
Ang sumabog na bomba ay isang uri ng Improvised Explosive Device.
Bandang alas-8:25 naman ng gabi, isa pang pagsabog ang yumanig sa may bakuran ng Sultan Kudarat Electric Company Sub Station sa kahabaan ng national highway sa Kalawag 3, Isulan malapit sa simbahan ng Iglesia ni Cristo.
Wala namang naiulat na nasugatan sa ikalawang pagsabog bagaman nagtamo ng pinsala ang compound ng Sukelco.
Sinabi ni AFP-PIO Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. na pinaniniwalaang kagagawan ng mga kasamahan ng nasakoteng Jemaah Islamiyah terrorist na si Mohammad Rafiqullah alyas Muhammad Alfariz ang nangyaring pagpapasabog sa lugar.
Si Rafiqullah, isang Bangladesh na kasapi ng JI terrorist ay nasakote ng mga awtoridad sa Brgy. Tapayan, Datu Mastura Mun, Shariff Kabunsuan noong Disyembre 2.