Sulyap Balita
3 pulis-kotong arestado
Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang tatlong pulis makaraang maaktuhan sa pangongotong sa isinagawang entrapment operation sa terminal ng bus sa Don Domingo, Balzain sa Tuguegarao City, Cagayan, kamakalawa. Pormal naman kinasuhan ang mga suspek na sina SPO1 Dante Tamayao, SPO3 William Pamittan at si PO1 Anselmo Ramos na pawang miyembro ng Highway Patrol Group na nakabase sa Cagayan Police Provincial Office. Napag-alamang nagreklamo sa kinauukulan ang dispatcher ng Nelbusco Bus Company na si Barcelino Flores kaugnay sa pangingikil ng tatlo sa ilan nilang driver at konduktor ng halagang P5,000 kada buwan. Hindi na nakapalag ang mga suspek na pulis matapos na maaktuhan sa pangingikil. (Joy Cantos)
Brgy. Chairman itinumba
Niratrat at napatay ang isang barangay chairman ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga rebeldeng New People’s Army sa bisinidad ng Barangay San Isidro sa bayan ng Pilar, Bohol kamakalawa ng hapon. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, nagmomotorsiklo ang biktimang si Celestino “Tinoy” Hamil at bumabagtas sa kahabaan ng highway nang harangin at pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan. Nabatid na susunduin ng biktima ang kanyang anak na guro nang maganap ang trahedya. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending