Nagwakas ang pagsisilbi sa taumbayan ng isang alkalde at tatlo nitong security escort makaraang tambangan at mapatay ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa kahabaan ng Tuguegarao-Piat Highway sa Barangay Maddarulug sa bayan ng Solana, Cagayan noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Moro Virgilio Lazo, Cagayan police director, ang mga biktimang sina Rizal Mayor Raul de la Cruz, 61; Ramon Gunta, Jomar Balomar at Federico Canay.
Si Mayor de la Cruz ay napuruhan sa ulo at binawian ng buhay habang isinusugod sa Saint Paul Hospital sa Tuguegarao City, habang sugatan naman sina Aurelio Cauilan, Allan de la Cruz, Nilo Paay at si Vicente Baluran.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, na lulan ng isang minibus (RDH 969) na pag-aari ng lokal na pamahalaan si Mayor de la Cruz kasama ang walong iba pa nang harangin at pagbabarilin sa kahabaan ng nabanggit na highway dakong alas-10 ng gabi.
Kaugnay nito, sinisilip naman ng mga awtoridad ang motibong pulitika, personal na hidwaan at ang mga rebeldeng New People’s Army. (Joy Cantos)