CAMP TOLENTINO, Bataan – Napaaga ang karit ni kamatayan laban sa isang opisyal ng Phil . Navy makaraang sumalpok ang kanyang kotse sa likurang bahagi ng trak na nakaparada sa gilid ng Roman Superhighway sa Brgy. Lucanin sa bayan ng Mariveles, Bataan kamakalawa ng gabi. Idineklarang patay sa DND Hospital ang biktimang si Lt. Arlene Dela Cruz, 34, ng Marikina City at asst. director for Administration and Discipline ng Department of Midshipmen Affairs ng Maritime Academy of Asia in the Pacific na nakabase sa Camaya Point, Brgy. Alas-Asin, Mariveles. Ayon kay P/Senior Supt. Manuel Gaerlan, provincial police director, nayupi ang Toyota Corolla (TJF 505) ng biktima na patungo sana sa Balanga City nang sumalpok sa trak (CEC 630). Sumuko naman sa pulisya, ang drayber ng trak na si Fernando Balmocina ng Baliuag, Bulacan. (Jonie Capalaran)
Mga baril, bala nasabat sa pier
BATANGAS CITY, Batangas – Nasabat ng mga tauhan ng Batangas Coast Guard ang ilang pirasong baril at mga bala habang nagsasagawa ng inspection sa mga bagahe ng pasahero sa Batangas Pier patungong Calapan sa Oriental Mindoro noong Lunes ng umaga. Kinilala ni Lt.Commander Troy Cornelio, hepe ng Batangas Coast Guard, ang pasaherong may dalang mga kontrabando na si Albertina Morales. Ang bagahe ni Morales na pasakay na sana M/V Supercat 20 nang masabat ng Phil. Coast Guard- K9 unit, Coast Guard Station Batangas Boarding Team at Field Station Southern Tagalog Team. Kabilang sa kinumpiska ay dalawang Armscor cal.45 pistol at 300 bala; Norinco cal 9mm pistol at 200 bala; Taurus cal. 40 at 50 bala; 12-gauge Akkar shotgun at 50 bala; 1000 bala ng cal. 22; 2 double spring stabilizer; 15 bote ng gun oil; 5 magazine pouches at 2 holster holder. Ayon sa ulat, walang maipakitang dokumento si Morales para sa nasabing armas na nagkakahalaga ng P209,595. Sa pahayag ng suspek sa pulisya, pambenta umano nila sa kanilang gunstore sa Mindoro ang mga nasabat na armas pero hindi nakunan ng karampatang papeles para dito. (Arnell Ozaeta)
Dalagita kinatay ng lolo
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang dalagita makaraang pagsasaksakin ng isang 75-anyos na lolo kahapon ng umaga sa Barangay San Pedro, Sto. Domingo, Albay. Hindi na umabot ng buhay sa Albay Doctors Hospital si Meann Bansuela, 14, habang naaresto naman ang suspek na nagtangka pang mag-suicide na si Loreto Dagsil, biyudo at residente ng Barangay Sto. Domingo sa nabanggit na bayan. Base sa police report, natiyempuhan ng suspek na natutulog ang biktima saka pinasok sa kuwarto at isinagawa ang krimen.Napag-alaman na nagtago ang suspek sa loob at nagtangakang magpakamatay subalit naagapan ng mga awtoridad. May teorya ang pulisya na naghiganti ang suspek dahil sa kasong rape na isinampa ng biktima laban sa matanda. (Ed Casulla)