Presong kinaliwa ng misis, pumuga
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang preso na may kasong murder ang napaulat na pumuga kamakalawa ng gabi sa Sorsogon Provincial Jail makaraang mabalitaan nitong may kalaguyo ang kanyang misis. Tugis naman ng mga awtoridad ang suspek na si Ricky Anonuevo ng Bulan, Sorsogon. Napag-alamang may anim na buwang hindi dinadalaw ng misis sa kulungan ang kanyang mister at nakasagap ng balita na may ibang kinakasamang lalaki. Dahil sa masaklap na balita, ay binalak na pumuga ni Anonuevo hanggang sa makatiyempo kamakalawa ng gabi na makaakyat ng tore ng nasabing kulungan at tuluyang makatakas. May teorya ang pulisya na paghihigantihan ni Anonuevo ang kanyang misis at ang kalaguyo. Ed Casulla
Teacher sa hayskul itinumba
LINGAYEN, Pangasinan – Isang 31-anyos na guro na pinaniniwalaang may malaking atraso ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng ‘di-pa kilalang lalaki kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Avenida West sa Poblacion, Lingayen, Pangasinan. Kinilala ni P/Supt. Harris Fama, hepe ng Lingayen PNP, ang biktimang napuruhan sa ulo ng bala ay nakilalang si Tetus Marzan, 31, ng Bayambang National High School at residente ng Barangay Pangapisan North, Lingayen. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Ronaldo “Nandong” Ferrer. Base sa police report, nagmomotorsiklo ang biktima nang salpukin ng kulay itim na Honda Civic (WAR 162) ng suspek. Hindi nakuntento at pinagbabaril ng suspek ang biktima. Natagpuan naman ang nasabing kotse na inabandona sa bahagi ng Sitio Kadampat sa Barangay Bolo sa bayan ng Labrador. Cesar Ramirez
Baril nilaro, mister dedo
NUEVA ECIJA – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang 32-anyos na mister kung saan aksidenteng pumutok ang baril na nilaro nito habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa Barangay Langla, bayan ng Jaen, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Marquez, Nueva Ecija police director, nakilala ang biktima na si Joel Jacutan y Jalova. Base sa police report, nakipag-inuman ng alak ang biktima kina Angelito Mateo, Crisostomo Yambao at Benedict Marin. Nang makainom ng kaunting alak ay nilaro ng biktima ang baril at itinutok sa kanyang bibig subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakalabit ni kamatayan ang gatilyo kaya lumagos ang bala sa likurang bahagi ng ulo. Christian Ryan Sta. Ana
- Latest
- Trending