LINGAYEN, Pangasinan — Aabot sa limang aircon bus ng Victory Liner ang iniulat na sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army na ikinasugat ng anim na pulis makaraang sumiklab ang bakbakan sa loob ng terminal ng bus sa Lingayen, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Supt. Harris Fama, hepe ng Lingayen PNP, dakong alas-11:40 ng gabi noong Miyerkules nang lumusob ang mga rebelde sa terminal ng nasabing bus company sa kahabaan ng Avenida St., Poblacion.
Kabilang sa mga sugatang pulis na isinugod sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City ay sina PO3 Alex de Guzman, PO3 Daniel Sison, PO2 Reynaldo Domalanta, PO1 Herman Gamba, PO1 Ramon Valencerina, PO1 Armenio Abarabar at ang konduktor ng bus na nagtamo ng 2nd degree burns dahil natutulog ito sa isa sa limang bus na sinunog.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, dinisarmahan ang guwardiya na si Romeo Mercullo habang ikinulong naman sa palikuran ang mga drayber ng bus.
Ilang rebelde ang nagbuhos ng gasolina sa limang bus at sinilaban subalit natiyempuhang mapadaan ang mobile patrol car na sinasakyan ng walong pulis at isang sibilyan.
Dito na sumiklab ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig habang tuluy-tuloy namang nasunog ang limang aircon bus.
Ayon sa ilang testigo, sampung armadong kalalakihan ang mabilis na tumakas sakay ng van at FX.
May teorya si P/Chief Supt. Luizo Ticman, na sangkot sa pangongotong ang mga rebeldeng naghasik ng terorismo sa nabanggit na lugar habang aabot naman sa P5 milyong ari-arian ang pinsala. Cesar Ramirez at Joy Cantos