ZAMBALES — Naging inutil ang kapulisan sa Zambales sa pananatili ng katahimikan sa nasasakupang lugar kung saan nakaranas ng kaguluhan ang may 40 banyagang residente ng Magdalena Homes Subd. laban sa mga security guard sa panibagong insidente ng kaguluhan sa Barangay Sto. Tomas sa bayan ng Subic, Zambales.
Bunsod nito, personal na nagsampa ng reklamo noong Martes ng hapon sa pangunguna ng mag-asawang Ernest at Nenita Hurst, ang homeowners association sa Camp Crame partikular sa Internal Affairs Division para sampahan ng kasong administratibo sina P/Senior Supt. Roland Felix, at P/Senior Inspector Nelson Dela Cruz.
Base sa reklamo, sinasabing hindi nagawang aksyunan nila Felix at Dela Cruz, ang ginagawang panggugulo ng mga guwardiya partikular na ang pagwasak ng mga ari-arian at pagtutok ng baril sa mga residente ng nasabing subd.
Ayon sa mag-asawang Hurst, may ilang beses na silang humingi ng tulong sa kapulisan partikular sa himpilan ng pulisya sa Subic subalit binabalewala ang kanilang reklamo laban sa mga guwardiya noong Nobyembre 7, 2008.
Sinubukang makapanayam ng PSNgayon ang dalawang opisyal ng PNP upang kunin ang kanilang panig subalit tumanggi ang mga ito. (Bebot Sison Jr.)