CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang magsasaka na pinaniniwalaang nagbibigay ng impormasyon sa pulisya kaugnay sa ikinikilos ng grupong makakaliwa ang dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army kahapon ng madaling-araw sa Barangay San Pedro, Cabusao, Camarines Sur. Ang biktimang iginapos saka kinaladkad palabas ng kanilang bahay ay nakilalang si Gavino Lopez Jr. Napag-alamang matutulog ang biktima, katabi ang kanyang pamilya nang pasukin ng mga rebelde. Ed Casulla
P2M palengke naabo
BATAAN – Tinatayang aabot sa P2 milyon halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang sampung tindahan sa loob ng palengke ng Barangay San Jose sa Balanga City kamakalawa ng gabi. Ayon kay P/Chief Insp. Antonio Ocampo, nagsimulang kumalat ang apoy bandang alas-11 ng gabi at naapula bandang ala-1:50 ng madaling-araw kahapon. Wala naman iniulat na nasawi o nasaktan sa naganap na sunog habang inaalam kung electrical faulty wiring ang isa sa dahilan ng sunog. Jonie Capalaran
Kasosyo sa sabungan dinedo
BATANGAS – Kamatayan ang sumalubong sa isang 40-anyos na barangay councilor makaraang tambangan ng ‘di-pa kilalang lalaki habang sakay ng kanyang kotse sa highway ng Barangay Darasa sa Tanauan City, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Willy Atun, Tanauan police chief, ang biktimang si Dennis Estayan ng Barangay Sta. Anastacia sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas. Ayon sa police report, lumilitaw na si Estayan ay lulan ng kotseng Honda Accord (UNL-570) patungo sana sa sabungan nang harangin at pagbabarilin ng isang lalaki na sakay ng motorsiklo bandang alas-11:05 ng umaga. Sinabi ni Col. Atun, si Estayan ay malapit na suporter ni ex-Chairman Romy Medalla ng Barangay Anastacia na tumakbo laban sa nakaupong barangay chairman sa kasalukuyan. “Kasosyo rin si Estayan sa Darasa Sports (Cockpit) Complex, kaya posibleng politics at paghihiganti ang isa sa motibo ng krimen,” pahayag pa ni Atun. “Si Konsehal Estayan kasi, ang pinaghihinalaang nagpaaresto sa mga barangay tanod sa kanilang lugar na may mga iligal na baril noong August 2008,” dagdag ni Atun. Patuloy pa rin ang imbestigasyon. Arnell Ozaeta