AURORA – Umaabot na sa 1,500 pamilya ang inilikas mula sa apat na bayan makaraang lumubog sa tubig-baha dulot ng malakas na ulan simula pa noong Sabado. Base sa nakalap na impormasyon mula kay P/Senior Supt. Romeo Teope, Aurora police director, kabilang sa mga apektado ng tubig baha ay ang 24 barangay mula sa mga bayan ng Dilasag, Dipaculao, Dinalungao at Casiguran. Sa inisyal na ulat na nakalap ng PSNgayon, aabot sa P2.2-milyong halaga ng agrikultura ang nasira habang P2.95-milyon naman ang naapektuhan sa inprastraktura. Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi magagamit ang lahat ng lansangan ng lahat ng klase ng sasakyan sa bayan ng Dilasag mula sa bayan ng Baler, dahil na rin sa pag-apaw ng ilog. Wala namang iniulat na nasawi o nawawala sa patuloy na pananalasa ng tubig-baha sa nabanggit na lalawigan. (Christian Ryan Sta. Ana)
Bus vs bike: 3 todas
Tatlong sibilyan ang iniulat na nasawi makaraang magsalpukan ang motorsiklo at pampasaherong bus sa kahabaan ng highway ng Barangay Carpenter Hill sa Koronadal City, South Cotabato, kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga namatay ay sina Pfc Andring Pagadatan, nakatalaga sa reserved command ng 1205th Provincial Police Mobile Group; Arnel Adel at si Asma Salam. Pormal na kinasuhan ang drayber ng Yellow Bus Lines na may plakang MVR-234 na si Felizardo Jordan, naninirahan sa Palkan, bayan ng Tupi, South Cotabato. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang sakuna pasado alas-8 ng gabi sa nabanggit na barangay. (Danilo Garcia)
Ex-Malacañang official nilikida
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Pinagbabaril hanggang sa namatay ang dating opisyal ng Malacañang Palace ng dalawang ‘di-pa kilalang kalalakihan sa bayan ng Victoria, Occidental Mindoro kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Inspector Anthony Ramos,Victoria police chief ang biktimang si Noel Basco, 34, ng Barangay Leido, Victoria at dating director ng Office of Youth Affairs sa Malacañang. Base sa police report, nakaupo sa harap ng kanilang tindahan si Basco habang nag-aabang ng masasakyan patungo ng Calapan City nang lapitan at pagbabarilin bandang alas-9 ng gabi. Napag-alamang patakas na naglakad lamang ang dalawa na animo’y walang naganap na krimen. Nabatid na si Basco ay tumakbo sa pagka-mayor sa bayan ng Socorro noong 2007 election pero natalo. Inaalam pa rin ng mga imbestigador kung ano ang motibo. (Arnell Ozaeta)