4 tirador ng mga panabong, sinalvage
BATANGAS – Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang magnanakaw ng mga imported na panabong na manok ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng ‘di-pa kilalang grupo ng vigilante sa bayan ng San Jose, Batangas kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Inspector Manuel Castillo, police chief sa bayan ng San Jose, ang mga biktimang sina Alejandro Silvano, 38; Junry Go Bursano, 32, kapwa residente ng Brgy. Pag-Asa, Quezon City; Dominador Mendez, 31, ng Barangay Holy Spirit, Quezon City at isang bineberipika pa ang pagkikilanlan.
Narekober sa tatlo ang mga identification card kaya kaagad na nakilala ng pulisya.
Batay sa ulat, nakatanggap ng tawag mula sa telepono ang himpilan ng pulisya mula sa isang concerned citizen kaugnay sa natagpuang apat na ‘di-kilalang bangkay sa bisinidad ng Barangay Anus bandang alas-7 ng umaga kahapon.
Sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ang isang biktima na nakahandusay sa loob ng kulay itim na Nissan Sentra (ZEP-922) samantalang ang tatlong iba pa may ilang metro lang ang layo mula sa kotse.
Pawang nakagapos ang mga biktima at may mga tama ng bala ng baril sa kanilang ulo.
“Nakumpirma naming mga magnanakaw ito ng mga panabong na manok dahil narin sa mga narekober sa kahon ng manok at cock pouch na gamit sa pagnanakaw para hindi makapiyok ang manok,” pahayag ni Castillo.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung sino ang nasa likod ng krimen.
- Latest
- Trending