Lupa gumuho, 5 patay

Nalibing nang buhay ang lima katao matapos magu­huan ng lupa sa Sitio Depot, Brgy. Upper Ulip, Mon­kayo, Compostela Valley ka­makalawa ng gabi.

Sa report na tinanggap kahapon ni National Disaster Coordinating Council Executive Director Glen Rabonza, naganap ang landslide sa nasabing lugar dakong alas-8:00 ng gabi.

Kinilala naman ni Sr. Supt. Ronald de la Rosa, Provincial Police Office director, ang mga biktima na sina Maricris Daug, 11-an­yos; Marjun Daug, 7-anyos, at Christina Daug, 6-anyos, pawang residente ng Sitio Depot.

Ang dalawa pang na­sawi ay nakilala namang sina Dominador Taan, 44 anyos, residente ng Brgy. Habitat, at Reynaldo Alcos, 40-anyos, nakatira naman sa Purok 22, Mt. Diwata; pawang sa bayan ng Mon­kayo.

 Base sa imbestigasyon ang landslide ay bunsod ng sunud-sunod na malalakas na pag-ulan sa nasabing lugar nitong nakalipas na mga araw.

 Ayon kay de la Rosa, ang magkakapatid ay natu­tulog sa kanilang tahanan nang biglang matabunan ito ng bundok na siyang kumitil sa buhay ng mga bata.

Sina Taan at Alcos ay naglalakad sa lugar nang mahagip ng rumaragasang lupa mula sa kabundukan. 

Magugunita na siyam katao ang nailigtas sa isa ring landslide kamakalawa sa Purok 17, Tinago, Mt. Diwata.

Show comments