2 mini-bus sinunog
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tinatayang aabot sa milyong halaga ng ari-arian ang naabo makaraang sunugin ang dalawang pampasaherong mini-bus ng mga di-kilalang grupo sa garahe ng operator sa Barangay Salcedo, Noveleta, Cavite kahapon ng madaling-araw. Ayon kay P/Senior Supt. Hernando Zafra, Cavite police director, nagulat na lang ang mga may-ari ng bus na sina Josephine Reyes at Chona Ocampo nang madiskubre nilang nasusunog ang kanilang mini-bus na may plakang DVG-765 at DXB-238 bandang alas-3:30 ng madaling-araw. “Nagising na lang ang mag-hipag nang maramdaman nila ‘yung init na nagmumula sa nasusunog nilang bus na nakaparada ilang metro lang ang layo sa bahay nila,” pahayag naman ng hepe ng pulisya sa Noveleta na si P/Senior Inspector Susana De Lara. Sinasabing sinadya ang pagsunog sa dalawang mini-bus nang makarekober ang pulisya ng ilang container na may lamang gaas malapit sa natupok na mga bus. Sa salaysay ng mga biktima sa pulisya, maaaring kagagawan ito ng kanilang kamag-anak na may galit at naiinggit sa kanila. Pansamantalang hindi naman pinangalanan ang suspek para hindi mabulabog ang follow-up operation ng pulisya. Arnell Ozaeta
Mag-ina grabe sa holdaper
LEGAZPI CITY, Albay – Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang mag-ina makaraang saksakin ng nag-iisang holdaper kamakalawa sa bisinidad ng Purok 4, Barangay Hamoraon sa bayan ng Mercedez, Camarines Norte. Ginagamot sa Camarines Norte Provincial Hospital ang mag-inang sina Sheryl Alfaro, 27, fish vendor; at anak na si Joan, 2. Samantala, naaresto naman ang suspek na si Christian Frias, 21, matapos ang follow-up operation ng pulisya. Base sa police report, naglalakad ang mag-ina nang harangin at pagsasaksakin ng suspek bago tumakas tangay ang malaking halaga at mga alahas ng dalawa. Ed Casulla
Landslide: 9-katao sugatan
Siyam-katao ang naitalang sugatan makaraang matabunan ng gumuhong lupa mula sa bundok ang ilang kabahayan sa Mt. Diwata, Compostela Valley kahapon ng umaga. Kinilala ang mga biktima na sina James Tumala, 16; Grace Sorilla, 25; JC Atun, 22; Junjun Ayco, 21; Felix Eliminio, Michael Canete, Rex Gomez, Ariel Daghay at si Samuel Catzo. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, sinabi ni P/Senior Supt. Ronald de la Rosa, na gumuho ang malaking bahagi ng lupain mula sa kabundukan ng Purok 17, Tinago, Mt. Diwata dakong alas – 6 ng umaga. Wala naman iniulat na nasawi habang patuloy naman ang rescue operation. Joy Cantos
P10M plantasyon naabo
Aabot sa P 10 milyong halaga ng ari-arian ang naabo makaraang masunog ang packing plant ng banana plantation sa Tagum City, Davao del Norte kamakalawa ng madaling-araw. Batay sa provincial police report na nakarating sa Camp Crame, dakong alas – 12:30 ng madaling-araw nang masunog ang Sumitumo Fruits Inc. sa Brgy. Cuambogan. Kumalat ang apoy mula sa computer room na pinag-iimbakan ng mga kartoon, foams, plastic kaya nadamay ang packing plant. Naapula ang sunog dakong alas-3 ng umaga, wala namang iniulat na nasugatan o nasawi. Joy Cantos
- Latest
- Trending