DUMARAO, Capiz – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-ama makaraang pagtatagain ng katiwala ng manukan sa Sitio Suok Poblacion sa bayan ng Oton, Iloilo kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mag-amang Harry Jalandoni at Larry Jalandoni, 10.
Ang matandang Jalandoni ay ginilitan ng leeg at nagtamo ng 10 saksak ng patalim sa katawan habang si Larry naman ay nagtamo ng 15 sugat ng patalim sa katawan.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na nakilala lamang sa alyas Michael, katiwala sa manukan sa nabanggit na lugar.
Base sa radio station na RGMA Ratsada Iloilo, napag-alamang bumisita lamang ang mag-ama sa binabantayang manukan ng suspek para makipag-inuman ng alak.
Sa hindi nabatid na dahilan matapos na makipagtalo ang matandang Jalandoni ay naghuramentado ang suspek na sinasabing lango sa alak at pinagsasaksak ang mag-ama.
Natagpuan ng mga awtoridad sa crime scene ang mga bote ng alak bandang alas-7 ng umaga kahapon.