LUCENA CITY, Quezon – Umaabot na sa 77-katao ang iniulat na nadale ng typhoid fever makaraang makainom ng kontaminadong tubig sa bayan ng Real sa Quezon simula pa noong Biyernes.
Ayon kay Dr. Romeo Maano, Quezon provincial health officer, ang mga biktima na nagmula sa tatlong barangay ay kasalukuyang nasa Claro M. Recto Hospital sa bayan ng Infanta, Quezon makaraang makaranas ng lagnat, pananakit ng ulo at tiyan, pagsusuka.
Sa panayam ng PSNgayon kay Dr. Maano, nagmula ang typhoid outbreak sa inuming tubig na inigib ng mga residente sa isang bukal sa Barangay Kawayan na ayon sa pagsusuri ay kontaminado ng bacterium Salmonella typhi.
“Hindi naman inaasahan ng mga residente na kontaminado na ng bacteria ang kinukunan nilang inuming tubig mula sa natural spring dahil matagal na silang umiigib doon,” paliwanag ni Dr Maano.
Sinabi pa ni Dr. Maano, na meron nang isang bata ang namatay dahil sa lagnat pero tinitingnan pa nila kung may kaugnayan sa typhoid outbreak.
Pinabulaanan naman ni Real, Mayor Joel Diestro namay namatay na bata dahil sa typhoid fever.
Nagpadala na ng mga imbestigador mula sa health office si Dr. Maano para suriin ang water sampling kung saan nagmula ang kontaminasyon ng tubig mula sa bukal.
Samantala, sinabi ni Dr. Eric Tayag ng DOH-National Epidemiology Center, kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang mga opisyal ng kalusugan sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Infanta at Real, Quezon.
Kasunod nito, sinasa bing umabot na sa 100-katao ang dinala sa Ascarraga Clinic sa bayan ng Real, Quezon matapos na madale ng typhoid fever. (Arnell Ozaeta, Tony Sandoval at Doris Franche)